Nilinaw ngayon ng pamahalaang lungsod ng Quezon na walang katotohanan na mandatory na uli sa siyudad ang pagsusuot ng face shield, kasunod ng pagsirit ng Covid-19 cases.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, batay sa Quezon City Ordinance No. 3079, S-2022, kinakailangan ang pagsuot ng face shields sa loob ng ospital at iba pang high-risk areas tulad ng quarantine facilities sa lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na hindi totoo na mandatory ang pagsusuot ng face shield sa pampublikong lugar.
Giit ni Mayor Joy, huwag maniwala o magpakalat ng fake news.
Binalaan din ng alkalde ang publiko na huwag magpaloko sa fake account sa social media ng QC Molecular Rt-pcr Swab.
Ayon sa Mayor, Iligal ang paggawa ng maling dokumento ukol sa resulta ng swab test.
Ang Quezon City Epidemiology & Disease Surveillance (CESU) ang nagsasagawa ng libreng swab testing at nagpapadala ng specimen sa Quezon City Molecular Diagnostics Laboratory upang matukoy ang resulta ng mga na-swab.
Libre ang isinasagawang testing ng lungsod para sa QCitizens na nangangailangan.
Samantala, nag-abot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng house-to-house distribution ng food packs sa Barangay Pansol para sa mga pamilyang naka-home quarantine.
Nakatanggap din ng ayuda ang ilang residente ng Brgy. Villa Maria Clara na nagpositibo sa COVID-19 at kasalukuyang naka-quarantine sa kanilang mga tahanan.
Pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga QCitizens na ugaliing maghugas ng kamay, mag-social distancing, magsuot ng facemask, sumunod sa health at safety protocols.
Maging responsable at tumulong ang lahat para matapos na ang pandemya.
Sa kabilang dako, kasalukuyang nasa 56-86% ang bed occupancy rate ngayon ng mga HOPE community caring facilities ng siyudad.
Sa datos ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) nasa 995 indibidwal ngayon ang naka quarantine sa 12 Quarantine facilities ng siyudad.