Umapela ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga otoridad na muling buksan ang Edsa-Muñoz Interchange at ang Edsa-West Avenue-North Avenue Interchange upang maibsan ang lumalalang daloy ng trapiko sa naturang mga lugar.
Sa liham na ipinadala ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Department of Transportation, Metropolitan Manila Development Authority, at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, dapat na raw muling buksan ang dalawang intersections bilang tugon sa mga reklamong natatanggap ng local government mula sa mga motorista.
Iminungkahi rin ng city government na muli ring buksan ang ilan sa mga U-turn slots na isinara ng national government upang magbigay-daan sa EDSA Bus Carousel project.
Matapos naman ang isinagawang monitoring sa Balintawak area, sinabi ng QC government na ang bottleneck na bunga ng pagbawas ng mga lane sa EDSA Balintawak Cloverleaf ay sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko na umaabot pa sa EDSA corner North Avenue.
Palagay ni Belmonte, inaasahan nilang luluwag ang daloy ng trapiko sa oras na mapagbigyan ang kanilang hiling.
Sa ngayon, naglagay muna ang city government ng karagdagang traffic enforcers sa ilang apektadong lugar at nakipag-ugnayan na raw sila sa MMDA upang buksan ang mga isinarang access roads.
Tiniyak din ng alkalde na patuloy na maghahanap ng solusyon ang Department of Public Order and Safety at mga ahensya ng lokal na pamahalaan sa mga traffic bottleneck sa pangunahing mga kalsada sa siyudad.