Muling nanawagan ang Quezon City government sa mga residente ng siyudad na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols.
Sa gitna na rin ito ng pagsirit ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong mga nakalipas na araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na dapat isipin ng mamamayan ng lungsod na may papel na dapat gampanan ang lahat upang mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang sa pansarili kundi maging sa iba.
“Keep in mind that we are all responsible for our health and the health of others around us, particularly our family, friends and loved ones,” saad ni Belmonte.
“So we must act responsibly by obeying all health protocols so we can have a safe and happy Christmas celebration despite the pandemic,” dagdag nito.
Paglalahad ni Belmonte na tumaas ang average number ng mga naitatalang kaso sa siyudad, batay sa pinakahuling report mula sa OCTA Research.
Sa datos naman mula sa Department of Health (DOH), mula sa average na 90 cases kada araw mula Disyembre 9 hanggang 15, lumobo pa ang baturang bilang sa mahigit 120 per day mula Disyembre 16 hanggang 21.
Samantala, ipinagmalaki ng QC LGU na nakapagsagawa na ng average na halos 2,200 tests kada araw mula Disyembre 14 hanggang 20, nas mataas kung ihahambing sa average na 2,102 noong nakaraang linggo.
Ayon kay Joseph Juico, pinuno ng QC Task Force on COVID-19, pinaigting pa umano lalo ng city government ang kanilang contact tracing capability.
Giit ni Juico, bagama’t handa ang city government sa pagtaas ng mga kaso, dapat gawin ng publiko ang kanilang parte tulad ng pagsunod sa mga alituntunin lalo na ngayong holiday.