-- Advertisements --

jail3

Pormal nang tinurn-over ng Quezon City Government sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pamamahala sa 2.4-hectare na bagong tayong Quezon City Jail sa Barangay Payatas.

Ang bagong QC Jail ay inaasahang magpapaluwag at magde-decongest sa kasalukuyang jail facility sa EDSA cor. Kamias road na may congestion rate na 1,247 percent. Pasok din ang bagong pasilidad sa standards ng United Nations.

Pinangunahan ni Mayor Joy Belmonte ang ceremonial turnover ng facility kina BJMP Chief JDir Allan Iral, BJMP-NCR Director JCSupt Luisito Muñoz, at QC Male Dormitory Warden JSupt Michelle Bonto.

Ang pagpaplano sa pagpapatayo ng pinakamalaking BJMP facility sa bansa ay nagsimula pa noong administrasyon ni Mayor Sonny Belmonte. Noong 2015 naman, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Herbert Bautista, tuluyan nang nabili ng lungsod ang lupa para sa pasilidad at noong 2016, lumagda na ang lungsod at BJMP sa usufruct agreement.

Ayon kay Mayor Joy, makakalipat na ang mga persons deprived of liberty (PDL) sa susunod na taon, pagkatapos malagyan ng pamahalaang lungsod ng perimeter fence ang bagong city jail.

Samantala, nagpasalamat naman ang pamunuan ng BJMP sa pamahalaang lokal ng Quezon City sa pamumuno ni Mayor Joy sa nasabing proyekto kung saan malaking kaginhawaan ito sa nararanasang problema sa congestion rate sa mga kulungan ng BJMP sa buong bansa.

Ayon sa pamunuan ng BJMP NCR nasa P39 million ang inilaan ng QC government para sa Phase 1 ng perimeter fence at nasa P100 million pang dagdag para sa completion ng nasabing proyekto.