-- Advertisements --

Iimbestigahan na ng pamunuhan ng Quezon City ang nasunog na cold storage plant sa FPJ avenue sa Barangay Delmonte ito’y matapos maranasan ang hindi kaaya-ayang amoy na nagmumula sa nasunog na planta.

Ayon sa inilabas na pahayag ng lungsod mag sasagawa sila ng kaukulang imbestigasyon para matukoy kung may nangyaring kapabayaan sa panig ng pribadong kumpanya.

Ang masangsang na amoy ay dulot ng mga nabubulok na karne sa pasilidad ng kumpanya matapos nga itong masunog noong Enero 20, 2025 kung saan umabot na sa walong magkakaibang mga barangay katulad ng Barangay Delmonte, Barangay Paltok, Barangay San Antonio, Barangay Damayan, Barangay Paraiso, Barangay Bungad, Barangay Roxas at Barangay Masambong ang nakakaamoy ng nabubulok na mga karne.

Binigyang diin pa ng lungsod na prayoridad nila ang kaligtasan at kalusugan ng bawat residente nito kung kaya’t iniiutos na sa mga kawani nito ang agarang aksyon, kasama ang QC Health, Disaster Risk Reduction and Management, Office of the City Mayor, Engineering, Sanitation and Cleanup Works, Business Permits and Licensing, Department of Public Order and Safety, Traffic and Transport Management Department (TTMD), at Bureau of Fire Protection.

Bagamat patuloy ang ginagawang aksyon ng pamunuan ng Lungsod Quezon ay hindi naman nito tiyak kung ilang araw pa magtatagal ang nasa 400 toneladang mga nabubulok na karne sa naturang nasunog na planta.

Samantala maaalalang umabot sa higit limang oras nang masunog ang naturang planta na ayon sa BFP, umak­yat ito sa ikatlong alarma hanggang sa tuluyan itong maapula at nakagamit ng 10 truck ng bumbero para maapula ang apoy.