Isinailalim na sa state of calamity ang Quezon City bunsod ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Kahapon, nagsagawa ng special session ang Quezon City Council at agad inaprubahan ang resolusyong nagpapanukalang isailalim sa SOC ang naturang lungsod.
Sa ilalim nito ay pinapayagan na ang mga apektadong barangay na gamitin ang kanilang pondo na nakalaan sa Quick Response Fund upang matugunan ang epekto ng bagyo, lalo na sa mga barangay na labis na inabot ng tubig-baha.
Sa naturang lungsod kasi ay mahigit sampung libong indibidwal ang dinala sa mga evacuation center dahil sa malawakang pagbaha.
Hanggang kahapon ng hapon (Oct. 25), bumaba na lamang sa walong libo ang nanatili sa mga evacuation. Kabuuang 38 center ang binuksan para pansamantalang matutuluyan ng mga inilikas.
Sa kabuuan, 26 na barangay sa QC ay binaha at may mga inilikas na mga residente.