Ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa kanilang lugar.
Kasalukuyan ngang nakakaranas ang lokal na pamahalaan ng dengue outbreak.
Subalit ayon sa isang opisyal ng Epidemiology and Surveillance Division (ESD), ang paglobo ng bilang ng mga dinapuan ng sakit ay dahil sa early detection sa dengue.
Ayon kay QC Epidemiology and Surveillance Division Statistician Wilson Villaganes Jr., kasalukuyan nilang inoobserbahan ang trend ng mga kaso ng dengue na nananatiling mataas sa outbreak level.
Bagamat patuloy aniya ang paglobo ng kaso, nakikita naman ito ng ahensiya bilang parte ng hakbang ng lungsod sa surveillance na humantong sa mas mahusay na pagkakadetect ng mga kaso.
Dagdag pa ng opisyal na ang pagtaas ng kamalayan ng publiko ay nakatulong sa mas maraming mamamayan na magpasuri sa sakit.
Sa datos mula sa QC government nitong Pebrero 18, nasa kabuuang 2,021 kaso ng dengue ang naitala na sa siyudad kung saan nasa 11 ang nasawi simula noong Enero 2025. Ito ay 209% na pagtaas kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Kaugnay nito, nagpatupad na ang lokal na pamahalaan ng preventive measures sa buong lungsod para malabanan ang dengue gaya ng malawakang chemical spraying at fogging.