-- Advertisements --

Aabot sa sampung milyong piso ang inilaan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa mga LGU sa Bicol Region na labis na naapektuhan ng bagyong Kristine.

Ito ay matapos na aprubahan ng Quezon City Council ang Resolution No. SP-9833 na layong magbigay ng ayuda sa mga lugar o lalawigan na naapektuhan ng bagyo.

Batay sa naturang resolusyon, makatatanggap ng tulong pinansyal ang pitong lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Camarines Sur.

Kinabibilangan ito ng Iriga City, bayan ng Bato, Nabua, Bula, Buhi, Pili, at Tinambac.

Magbibigay rin ang QC LGU ng tulong pinansyal sa Libon at Guinobatan sa lalawigan ng Albay.

Sa isang pahayag, sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte na ang naturang hakbang ay alinsunod sa inilabas na rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council.

Magmumula naman ang pondo para sa ibibigay na ayuda sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LRDDM) Trust Fund ng lungsod.