Kasalukuyan nang nakikipag-usap ang local government unit ng Quezon City sa iba pang mga pharmaceutical firms upang makabili ng karagdagang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay matapos na pumasok ang city government sa isang tripartite agreement kasama ang National Task Force Against COVID-19 at AstraZeneca para sa advance purchase ng nasa 750,000 doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Joseph Juico, co-chair ng Quezon City Task Force on COVID-19, batid nilang hindi maaaring dumepende lamang ang kanilang lungsod sa iisang source para pagkunan ng mga bakuna.
Bahagi rin aniya ito ng kanilang localized vaccine road map, na naglalayong pabilisin ang vaccine rollout ng siyudad.
Una nang sinabi ni Juico na naglaan ang lungsod ng inisyal na P1-bilyon sa kanilang 2021 budget para sa procurement ng mga bakuna at mga supplies na kinakailangan para rito.
Batay sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), uunahin ng Quezon City ang mga medical workers, matatanda, persons with disabilities (PWDs), indigent families, essential workers at uniformed personnel.
Nagsagawa na rin aniya ang mga city health authorities ng ocular inspection sa mga pasilidad na posibleng gawing imbakan ng mga bakuna.
Isinasapinal na rin daw nila ang listahan ng mga inoculation centers sa siyudad kung saan siyam ang natukoy na sa ngayon.