Patuloy ang panawagan ng pamahalaang lungsod ng Quezon sa mga QCitizens nito na patuloy na mag-ingat, magpabakuna, at ugaliing sumunod sa minimum health and safety protocols.
Ayon sa OCTA Research, patuloy na bumaba ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ito ay batay sa Oktubre 12 na datos ng Department of Health (DOH) at City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU).
Ang Reproduction Number ng Quezon City ay nasa 0.64 muli itong bumaba mula sa nakaraang linggo.
Ipinapakita ng numerong ito kung gaano kalala ang pagkahawa mula sa virus.
Ang Reproduction number na mas mababa sa 1 ay nangangahulugan na ang bawat kumpirmadong kaso ng COVID-19 ay may maliit na tsansang makapanghawa, o magdulot ng bagong infection.
Bumaba rin sa 12% ang positivity rate ng lungsod.
Higit na mas mataas pa rin ito sa pamantayan ng World Health Organization (WHO) na 5%.
Samantala, umabot na sa mahigit 3.3-M doses ng bakuna ang naiturok ng QCProtekTODO Vaccination Program.
Sa ngayon nasa higit 1.8 million o 110.38% ng 1.7 million na target adult population ang nabakunahan na ng first dose, habang mahigit 1.5 million o 93.75% naman ang nakatanggap na ng kanilang second dose o fully vaccinated.
Sa kabuuan, 1.5 million o 94.10% ng target adult population ang maituturing na fully-vaccinated. Kabilang na rito ang bilang ng mga naturukan ng single-dose vaccine na Janssen.