Dismayado umano si Quezon City mayor Joy Belmonte dahil sa pagkaantala ng pagdating ng mga COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Belmonte, bunsod nito ay mas lalong made-delay ang muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa, na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Kailangan din aniya nilang baguhin ang kanilang vaccination program at ayusing muli ang mga recipients na unang tuturukan ng COVID-19 vaccine.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na posibleng ang bakunang gawa ng Sinovac ang unang dumating sa Pilipinas bago matapos ang buwan.
Samantala, ikinalugod naman ng alkalde ang pasya ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pagsasailalim sa buong bansa sa modified general community quarantine.
Bago ito, sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na kaisa ang mga alkalde ng Kalakhang Maynila sa desisyong ito ng Pangulong Duterte.