-- Advertisements --

Inamin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nasaktan daw ito sa pag-aalangan ng mga health care workers sa siyudad na magpaturok ng bakunang gawa ng Chinese company na Sinovac.

Sa kanyang talumpati sa rollout ng vaccination program sa Quezon City General Hospital (QCGH), sinabi ni Belmonte na noong una ay nalungkot daw ito dahil wala raw staff sa ospital ang nais magpaturok ng bakuna dahil ito ay gawa ng nasabing kompanya.

“Bakit po? Linggo-linggo po kaming nagme-meeting ng mga mayors ng Metro Manila, kasama ang DOH (Department of Health). At nagiging transparent naman yung DOH sa pagsabi nila sa amin na ito ang sitwasyon natin—na 90 percent ng lahat ng mga bakunang gusto nyo ay nakuha na ng mga first world countries. Ten percent na lang ang naiiwan for the rest of the world,” wika ni Belmonte.

Pero ngayon, inihayag ng alkalde na nagpapasalamat na raw ito lalo pa’t dumami ang mga naghayag ng interes na magpabakuna matapos pag-aralan ang siyensiya sa likod ng bakuna.

“Ang sabi ko lang, try to study it more. Study the scientific basis of the drug. See if it is effective and safe. Set aside your biases if it’s Chinese or not, because alam naman natin na maraming mga tao, ang dahilan kung bakit ayaw nilang kunin yung drug is because it’s Chinese,” anang alkalde.

Makaraang makatanggap ng inisyal na 300 doses ng Sinovac vaccine, ayon kay Belmonte, hindi na raw ito sapat para sa mga empleyado ng ospital na handa nang magpabakuna.

Inaasahan din ni Belmonte na madadagdagan pa ang mga nais magpabakuna sa mga susunod na araw matapos maturukan na rin ang ilan sa mga kilalang personalidad sa bansa.