-- Advertisements --

Nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng 500% pagtaas kumpara sa dalawang kaso ng mga nasawi sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Sa inilabas na pahayag ng Quezon City Epidemiology & Surveillance Division (QCESD) sa kanilang social media 12 na mga residente ng QC ang nasawi sa dengue mula noong buwan ng Enero 1 hanggang Marso 5, 2025.

Noong Huwebes, iniulat ng QCESD ang pagtaas ng kabuuang bilang ng mga kaso ng dengue, mula sa 857 kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon, naging 3,234 kaso na ito noong Miyerkules.

Kung saan ang pinakabagong biktima ay isang 8-anyos na batang babae mula sa Barangay Pasong Tamo, na nakaranas ng mga sintomas noong Pebrero 22 ngunit nagpasuri lamang apat na araw pagkatapos, noong Pebrero 26 sa health center.

Batay sa QCESD, 10 sa 12 na nasawi ay mga menor de edad, may edad 17 taon pababa. Ayon pa sa mga ito ang pagkaantala sa pagkonsulta sa doktor ay isa sa mga pangunahing sanhi ng lumalalang kaso ng dengue sa lungsod na siyang nagiging sanhi ng pagkamatay.

Maalalang bago ideklara ang outbreak ng dengue sa lungsod noong Pebrero 15, 1,000 na mga pasyente ang naitala ng lungsod na nagpapaantala muna ng kanilang mga nararamdaman tatlong araw bago magpatingin ang mga ito sa ospital.

Ngunit matapos ideklara ang outbreak, napansin nila ang positibong pagbabago sa pag-uugali ng mga tao patungkol sa paghahanap ng medikal na tulong.

Bumaba sa 2.73 na araw ang karaniwang naghihintay bago maipasok sa ospital, at 193 indibidwal na ang kumonsulta sa doctor sa loob ng isang araw, samantalang 522 indibidwal naman ang nagpapa kunsulta sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Sa kabila ng mga pagtaas nanawagan naman ang QCESD sa publiko na mag-ingat sa mga sintomas ng dengue, kabilang ang matinding lagnat, malubhang sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, pagkahilo, pagsusuka, at mga rashes.

Binigyang diin ng mga ito na ang maagap na pagkonsulta ay mahalaga upang maiwasan ang malalang komplikasyon.

Pahayag na inilabas ng QCESD sa kanilang FB page @Quezon City Epidemiology & Surveillance Division