-- Advertisements --

Inanunsyo ng pamahalaan ng Lungsod ng Quezon ang pagpapalawig ng ruta ng kanilang ‘Libreng Sakay’ program para sa mga residente nitong maapektuhan ng transport strike ng grupong Manibela sa Lunes, Marso 24, 2025.

Magsisimulang mag-operate ang mga bus mula QC City Hall papuntang Cubao, Litex/IBP Road, General Luis Avenue, Minadanao Avenue via Visayas Avenue, Gilmore Avenue, C5 / Ortigas Avenue exit, at Munoz.

Iba’t-ibang ruta para sa Libreng Sakay ng QC / Screengrab mula sa QC FB post (@Quezon City Government )

Mayroon ding mag-uumpisa sa Welcome Rotonda hanggang Aurora Katipunan habang sinabi pa ng Lungsod na may nakaantabay na iba pang mga sasakyan mula sa iba’t-ibang mga ahensya ng lokal na pamahalaan kung sakaling kailanganin ng publiko.

Samantala magpapakalat din ng traffic enforcers mula sa Traffic and Transport Management Department (TTMD) ang Lungsod upang alalayan ang mga motorista at pasahero na posibleng maapektuhan ng transport strike.

Inaanyayahan ang mga residente na samantalahin ang libreng sakay habang patuloy ang Quezon City sa pagpapalawak ng mga opsyon sa transportasyon.

Maalalang magsasagawa ng tatlong araw na transport strike ang mga miyembro ng transport group na Manibela bilang protesta laban sa alegasyong falsification of data ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa bilang ng mga nag-consolidate na jeepney operators at drivers para sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Layunin ng protesta na itaas ang mga isyu ukol sa mga pagkakaiba-iba sa PTMP.

Binanggit din ng Manibela na ang pangangailangan ng transparency at accountability sa pamamahala ng gobyerno sa programang ito ay may malaking epekto sa mga pampasaherong operator at mga commuter sa buong bansa.