-- Advertisements --

Magpapakalat ang Quezon City Police District (QCPD) ng 1,758 na mga pulis para tiyakin na magiging ligtas at maayos ang mga aktibidad ngayong araw bilang paggunita sa Labor Day o Araw ng Paggawa.

Nagpaalala pa si Mayor Joy Belmonte sa publiko na nananatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) at ipinagbabawal pa rin ang mass gathering.

Kung maaari lang daw sana ay manatili na lang ang mga ito sa loob ng kanilang mga bahay kung wala namang mahalagang pupuntahan.

Ayon kay QCPD Director Brig. Gen. Antonio Yarra, mas malaki ang tsansa na magiging ligtas ang mga residente mula sa banta ng coronavirus disease kung mananatili na lamang sila sa kanilang mga bahay.

Naghahanda na rin ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng medical at rescue assistance, habang ang Task Force for Transport and Traffic Management ay maglalagay ng halos 300 enforcers upang magbantay sa mga community pantries, cash assistance payouts, at vaccination sites.

Dagdag kawani naman mula sa Department of Public Order and Safety, Market Development and Administration Department, Task Force Disiplina, at Barangay Public Safety Officers ang ipapakalat para sa mga aktibidad ngayong araw.