Nag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Quezon city Regional Trial Court para kanselahin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang terminasyon sa kontrata nito sa AllCard Inc. na nagsusuplay ng national ID cards.
Ayon sa korte, nakahanap ito ng merito sa petisyon ng kompaniya na humiling para sa pag-isyu ng status quo order, TRO at preliminary injuction sa pag-asang mag-iisyu ang korte ng 72 oras na TRO may kinalaman sa arbitration proceedings na inihain nito sa Philippine Dispute Center Inc.
Nakasaad din sa order ng korte na mahalaga na mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ng petitioner at maipaalam ang naging basehan sa hinihinging P129.65 million ng BSP sa liquadated damages dahil sa umano’y pagkaantala ng delivery ng national IDs.
Saad pa ng korte na ang kabiguang i-disclose ang dahilan ng umano’y pananagutan ng kompaniya para sa pagkaantala o unsatisfactory performance nito ay nagpapakita ng pagdududa na lehitimo ang desisyong i-terminate ang kontrata.
Matatandaan nauna ng sinabi ng BSP na nagresulta sa production loss na P1.06 billion na katumbas ng 49.91% ng P2.1 billion na kontrata na iginawad nito sa national ID supplier, ang kabiguan ng kompaniya na mai-deliver ang mga napag-usapan sa kontrata.