-- Advertisements --

Bumuo ng Special Investigation Task Group ang Quezon City Police District para imbestigahan ang insidente ng pamamaril patay sa isang empleyado ng Land Transportation Office na kinilalang si Mercedita Gutierrez kahapon, Mayo 24, 2024.

Ayon kay QCPD Director, PBGen. Redrico Maranan, ang SITG Gutierrez ay pamumunuan ni Acting Deputy District Director for Operations, PCol Amante B. Daro na inatasan naman niyang imbestigahan ang nangyaring shooting incident upang alamin ang posibleng motibo sa likod ng naturang pamamaslang, gayundin ang pagtugis at pag-aresto sa mga suspek sa likod nito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mag otoridad, Marso 24, 2024 bandang alas-6:20pm binaril ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang biktima malapit sa K-H Street, Kamias Road, Brgy. Pinyahan, Quezon City.

Agad na dinala ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan sa lugar ngunit kalauna’y idineklara ring binawian na ng buhay nang dahil sa malubhang mga sugat na tinamo nito mula sa nangyaring pamamaril.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay mariing kinondena ni LTO Chief Asec. Vigor Mendoza ang pamamaril kay Gutierrez na napag-alamang nanunungkulan bilang pinuno ng Registration Section ng LTO Central Office.