Handa na ang Quezon City Police District (QCPD) sa mahigit isang linggong paghahain ng kandidatura o filing of Certificate of Candidacy (COC).
Sa QC, nakatakda ang COC filing sa Amoranto Sports Complex na pangunahing babantayan ng security sector.
Ayon kay QCPD Director BGEN Redrico Maranan, magkakaroon ng karagdagang pulis na idedeploy o ipapakalat sa naturang lugar.
Gayunpaman, nasa pagpapasiya pa rin aniya ng National Capital Region Police Office o NCRPO kung kailangang itaas ang alerto, daan upang dagdagan pa ang mga naka-deploy na personnel.
Sa kabila nito, wala aniyang natatanggap ang QCPD na anumang seryosong banta kaugnay sa nalalapit na halalan.
Una nang nakipagpulong ang QCPD sa Commission on Elections (Comelec) para sa pagpaplano ng deployment ng mga pulis sa walong araw na paghahain ng kandidatura.