-- Advertisements --

Naglagay ng mga outpost sa mga crime-prone areas ang Quezon City Police District (QCPD) upang maprotektahan ang publiko mula sa mga kriminal.

Sinabi ni QCPD director Brig. Gen. Redrico Maranan na ang inisyatiba ay bilang pagsunod sa direktiba ni Mayor Joy Belmonte na paigtingin ang police visibility at crime prevention measures sa lungsod.

Sinabi ni Maranan na maglalagay muna sila ng 20 police outpost sa mga lugar kung saan madalas mangyari ang mga krimen at areas of convergence.

Bawat outpost aniya ay pamamahalaan ng dalawa hanggang apat na pulis.

Nag-inspeksyon si Maranan noong nakaraang linggo sa mga outpost na itinayo sa mga kanto ng Araneta Avenue at Quezon Avenue, at Commonwealth Avenue at Litex Road.

Sa unang bahagi ng buwang ito, ipinakita ni Maranan sa Prinsesa ng Bahrain na si Sheikha Jawaher Al Khalifa at sa kanyang delegasyon ang Integrated Command and Control Center (IC3) ng QCPD sa Camp Karingal.

Ang IC3 ay isang digital system na ginagamit ng QCPD upang masubaybayan ang sitwasyon ng ilang lugar sa Quezon City.

Tinalakay din ni Maranan ang three-minute response policy ng QCPD sa pagtugon sa mga krimen at iba pang emergency sa kanilang pagpupulong.