Sinibak na sa puwesto ang commander ng Quezon City Police Department (QCPD)-Novaliches Station 4, batay na rin sa direktiba ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director C/Supt. Guillermo Eleazar.
Ito ay kasunod na din ng pagkamatay ng presong si Genesis Argoncillo sa loob ng piitan ng Station 4.
Ayon kay Eleazar, ang pagtanggal sa tungkulin kina P/Supt. Carlito Grijaldo, at sa officer-on-duty na si PO3 Dennis Siennaay ay para bigyang-daan ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa kaso na pinangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD.
Batay sa inilabas na medical report ng Novaliches District Hospital, walang nakitang external injuries sa katawan ng inmate.
Pero batay sa inilabas na resulta ng PNP medico legal na pirmado ni Dr. Joseph Palmero, ang sanhi ng pagkamatay ni Argoncillo ay multiple blunt force trauma sa leeg, ulo, dibdib at braso na ibig sabihin ay nabugbog ang inmate kaya ito namatay.
Sa kabilang dako, ayon sa hepe ng NCRPO, tila may paniniwala raw sila na maaaring nabugbog si Argoncillo ng mga kapwa preso.
Tiniyak naman ni Eleazar na mananagot ang mga pulis na mapapatunayang dawit sa kontrobersya.