Dismayado ang Quad Committee sa kawalan ng agarang pagkilos ng AMLC sa pag-issue ng freeze order sa mga ari-arian ng Empire 999 na pag-aari ng Chinese nationals na sina Willie Ong at Aedy T. Yang.
Kinuwestyon ni Congresswoman Gerville Luistro ang freeze order sa assets nito sa Mexico, Pampanga kung saan nadiskubre ang 530 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng 3 point 6 billion pesos.
Paliwanag naman ni Attorney Fraño Dumale ng AMLC na wala pa silang nailalabas na FO ngunit siniguro ang komite na patuloy silang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Giit naman ni Luistro na noong nakaraang taon pa nila inumpisahan ang pag-iimbestiga sa naturang warehouse.
Nang tanungin din aniya kung ano ang nagiging sanhi ng delay ay tugon ng AMLC na hinihintay pa anila ang ‘unlawful activity’.
Binigyang-diin naman ni Luistro na maliban sa ilegal na drogang nakuha sa warehouse ay nakuha rin aniya ang mga naturang lupain sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento.
Mahalaga aniya na ma-preserve ang naturang assets upang maiwasang maipasa ang pag-aari sa ibang tao kung patatagalin pa ang pag-issue ng freeze order.