Inatasan ng Quad Committee ng Kamara ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay sa tatlong nakakulong na Chinese nationals sa Davao City noong 2016, na iniuugnay kay dating Pangulong Pangulong Rodrigo Duterte at ilang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Sa nakaraang pagdinig ng quad committee, naghain ng mosyon si Antipolo City Rep. Romeo Acop upang atasan ng komite ang NBI na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang makasuhan ang mga nasa likod ng pagpatay kina Chu Kin Tung, Li Lan Yan at Wong Meng Pin sa loob ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF), na ipinag-utos umano ni dating Police Col. Royina Garma, dati ring general manager ng PCSO.
Isinalang naman ni Quad Comm overall Chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mosyon sa botohan.
Sa mga naunang pagdinig ng Quad Committee, sinabi ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na sina Leopoldo Tan Jr. at Fernando “Andy” Magdadaro na sila ang pumatay sa tatlong Chinese alinsunod sa utos ni SPO4 Arthur Narsolis. Si Tan at Narsolis ay magkaklase umano noong high school.
Ang PDL naman na si Jimmy Fortaleza, isang dating pulis na kaklase ni Garma sa PNPA ang inatasan na tumulong kina Tan at Magdadaro upang maisagawa ang pagpatay.
Isa pang testigo, si dating DPPF warden Senior Supt. Gerardo Padilla ang nagsabi na tinawag siya ni Duterte upang i-congratulate dahil sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.
Sinabi ni Padilla na kinausap siya ni Garma at sinabihan na huwag maki-alam sa kanilang operasyon sa loob ng kulungan na ang tinutukoy ay ang pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.
Pinapakuha na ng komite ang rekord ng tawag at text message sa pagitan ni Fortaleza at Garma, na dating nakatalaga sa CIDG-Davao City.
Itinanggi naman ni Garma ang mga alegasyon laban sa kanya.
Dahil sa pag-iwas umano na sumagot sa mga tanong at pagsisinungaling, si Garma ay na-cite in contempt sa pagdinig noong Huwebes at ikinulong sa detention center ng Kamara.