-- Advertisements --

Nanawagan ang House Quad Comm dating presidential spokesperson Harry Roque na sumuko na lamang matapos pinawalang bisa ng Supreme Court (SC) ang kaniyang apela kaugnay sa inilabas na detention order ng komite.

Ginawa nina Sta Rosa City Rep. Dan Fernandez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panawagan kasunod ng pagtanggi ng SC sa hiling ni Roque.

Si Roque ay nauugnay sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) na itinuring na person of interest.

Naghain siya ng petisyon para sa writ of amparo, isang protective writ na inilapat niya para makatakas sa detention habang iniimbestigahan ng Quad Comm ang kanyang pagkakasangkot sa mga iligal na gawain ng mga POGO.

Ayon kay Fernandez hindi na ito ang panahon para magpalusot, dapat narin niyang harapin at sagutin ang mga alegasyon.

Hinimok ni Barbers si Roque na makinig sa rule of law at makipagtulungan sa patuloy na imbestigasyon, na nagbunyag ng nakababahalang koneksyon ng mga POGO sa iba pang ipinagbabawal na gawain, kabilang ang mga sindikato ng iligal na droga at extrajudicial killings.

Sa desisyon ng SC, na ibinaba noong Oktubre 1, nilinaw na ang writ of amparo ay para sa mga kaso ng extrajudicial killings o enforced disappearances, mga sitwasyong hindi nalalapat sa kaso ni Roque.

Hinikayat ni Barbers si Roque na respetuhin ang ang legal na proseso.