-- Advertisements --

Kinumpirma ni Quad Comm Lead Chairman Rep. Robert Ace Barbers na mayroon nang partial committee report ang Quad Committee sa Kamara kasunod ng 12 pagdinig ukol sa isyu ng extrajudicial killings at war on drugs campaign ng administrasyong Duterte at mga ilegal na aktibidad sangkot ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sinabi ni Barbers, na ang nasabing report ay tatawagin itong “progress report” dahil magpapatuloy pa ang imbestigasyon kahit na matapos ang Christmas break.

Kabilang aniya sa nilalaman ng progress report ang mga rekomendasyon sa concerned government agencies kaugnay sa mga indibidwal na dapat kasuhan pati na ang isinusulong na panukalang batas.

Binigyang-diin ni Barbers na minarapat nilang paaprubahan na sa plenaryo ang report dahil may mga isyu na dapat na agad maaksyunan at ang mga naturang output ng Quad Comm ay natalakay na nang husto.

Umaasa rin si Barbers na masesertipikahan ni Pangulong Bongbong Marcos bilang urgent ang mga panukalang batas upang maihabol pa bago matapos ang 19th Congress, kasama na ang pag-amiyenda sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Paliwanag nito, kapag sinuportahan ng mayorya sa plenaryo ang progress report ay magsisilbi itong senyales na dapat itong maisama sa priority legislation.

Sabi ni Barbers target nilang ihabol ang approval bago ang Christmas break upang mapagtuunan na nila ng pansin ang iba pang isyu sa ilegal na droga at EJK.

Pinag-iisipan naman ng mega-panel na pormal nang i-terminate ang mga pagdinig patungkol sa POGO.