Muling pinagtibay ng House Quad Committee ngayong Huwebes ang kanilang paninindigan na matuklasan ang katotohanan at maihatid ang katarungan sa ginanap na year-end hearing tungkol sa iligal na kalakalan ng droga at extrajudicial killings (EJKs) na konektado sa marahas na kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Barbers, na siya ring namumuno sa Committee on Dangerous Drugs, na hindi mapaghihiwalay ang koneksyon sa pagitan ng giyera kontra droga at EJKs (extrajudicial killings).
Inilahad ni Barbers ang mga testimonya na nagdidiin sa mga matataas na opisyal, kabilang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa pagpapatupad ng “reward system” para sa pagpatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.
Ang mga gantimpala ay nagkakahalaga mula P20,000 hanggang P1 milyon, batay sa testimonya ni dating General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Royina Garma at pinatunayan naman ni dating Commissioner Edilberto Leonardo ng National Police Commission.
Binanggit din ni Barbers na inamin mismo ni Duterte sa kanyang testimonya na inutusan ang mga pulis na mag-imbento ng mga senaryo ng “panlalaban” upang bigyang-katwiran ang mga pagpatay.
Ibinunyag din ng mga pagdinig ang mga mabigat na akusasyon laban sa ibang mga kilalang personalidad.
Isinalaysay din ni Barbers kung paanong ang mga dating tauhan ng Bureau of Customs na sina Jimmy Guban, negosyanteng si Mark Taguba, at sinibak na opisyal na si Colonel Eduardo Acierto ay inakusahan ang mga personalidad tulad nina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, asawa ni Vice Presidente Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio, at dating presidential economic adviser na si Michael Yang ng pagkakaroon ng koneksyon sa malakihang operasyon ng smuggling.
Natuklasan din ng komite ang koneksyon ng mga ilegal na POGO at ang kalakalan ng droga, na nagsangkot kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na isang Chinese national at pangunahing operator ng POGO.
Nalaman na si Guo ay itinago ang malaking halaga ng salapi mula sa ilegal na droga gamit mga korporasyong may ugnayan sa mga hinihinalang drug lord na sina Michael Yang at Lin Weixiong, na mas kilala bilang si Alan Lim.
Sinabi ni Barbers na ang mga natuklasan ng komite ay nagresulta sa pagbalangkas ng mga pangunahing panukalang batas upang tutukan ang mga kahinaan ng batas na maaaring pagmulan ng pagsasamantala.
Kasama rito ang mas mabigat na parusa para sa mga extrajudicial killings, pagkumpiska ng mga ari-arian na nakuha sa gamit ang mga pekeng dokumento, at pagbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa mga ahensya ng gobyerno upang kanselahin ang mga pekeng corporate registrations.
Tinuligsa rin ni Barbers ang mga hakbang na naglalayong siraan ang trabaho ng Quad Comm.
Ipinaabot naman ni Barbers ang pasasalamat sa publiko sa kanilang tiwala at suporta, na siyang nagbibigay-lakas sa komite upang harapin ang bawat hamon, tuklasin ang katotohanan, at maghatid ng katarungan.