-- Advertisements --

Nakatakdang imbitahan ng Quad Committee sa inaasahang huling pag-dinig nila hinggil sa isyu ng POGO ang sinasabing ‘King of POGO’ na si Richard Lim.

Ayon kay Quad Comm lead chair Robert Ace Barbers noong nakaraang linggo pa nila planong tapusin usapin ng POGO.

Ngunit dahil sa may bagong impormasyon na lumutang ukol nga sa isang Richard Lim, ay nais aniya ni co-chair Dan Fernandez na maimbitahan ito.

Sa isang panayam sinabi ni Barbers kung hindi magkakaroon ng problema sa schedule ng court hearing ni Alice Guo ay padadaluhin din aniya nila ito.

Kasabay nito ay inaaral din aniya ng komite kung ano mangyayari sa contempt order laban kay dating Secretary Harry Roque.

Sinabi ni Barbers, sa oras kasi na i-terminate nila ang usapin ng POGO ay otomatiko na mali-lift o ma-aalis na rin ang ipinataw na contempt order laban sa mga indibidwal.

Matatandaan na pina-contempt ng Quad Comm si Roque dahil sa kabiguan na isumite ang mga dokumento gaya ng SALN, income tax return at deed of sale na nauna na niyang ipinangakong ibibigay sa komite.