Tinitingnan ng quad committee ng Kamara de Representantes ang posibilidad ng pagsasagawa ng pagdinig sa Davao City, ang balwarte ni dating PRRD, ang pangunahing idinadawit sa isyu ng extra-judicial killings.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ito ay kasunod na rin ng patuloy na pagtanggi ng dating pangulo na dumalo sa mga pagdinig ng komite.
Ayon sa kongresista, muling magpapadala ang komite ng imbitasyon kay Duterte at kung hindi pa dadalo ang dating pangulo, maaaring dalhin aniya ng quad-comm ang hearing sa mismong balwarte ng dating presidente.
Paglilinaw ng kongresista, hindi pinipilit ng komite ang dating pangulo na dumalo ngunit nais lamang ng mga miyembro na mabigyan ng sapat na oportunidad ang dating pangulo na linisin ang kanyang pangalan na makailang-beses nang idinawit ng mga testigo.
Sa kabila ng pagnanais ng komite na mapakingan ang salaysay ng dating pangulo, sinabi ni Pimentel na hindi naman ito ipapa-contempt bilang pagrespeto sa kanyang dating posisyon.
Maliban kay Duterte, hindi rin aniya ipapa-contempt si dating PNP Chief, Senator Ronald Dela Rosa na siyang nanguna sa drug war ng dating pangulo.