VIGAN CITY – Hinikayat ni Fr. Earl Allyson Valdez, attached priest ng Quiapo Church at Spokesperson for the Feast of the Black Nazarene 2023 ang mga senior citizens na hindi na kayang dumalo, mga buntis at maysakit na makibahagi na lamang sila sa kapistahan sa pamamagitan ng kanilang livestreaming.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Fr. Valdez, matapos umano ng mahabang panahon na hindi naidaraos ang kapistahan ay napapgdesisyonan ng Quiapo Church at ng iba pang mga stakeholders na ibalik ang selebrasyon ngunit mayroon lamang silang mga babaguhin na mga nakagawian tuwing sasapit ang petsa ng kapistahan.
Ito ay kinabibilangan umano ng pagbabawal sa pahalik dahil gagawin na lamang nila itong “Papugay” kung saan pipila ang mga deboto sa gilid ng simbahan upang makalapit, makahawak at makapunas sa rebulto ng Poong Nazareno.
Sa hatinggabi ng January 7 ay pormal namang bubuksan ang Papugay sa pamamagitan ng banal na misa at lahat ng kaganapan ay sa Quirino Grandstand.
Sa alas sais naman ng umaga sa nasabing araw ay magkakaroon ng misa para sa mga boluntaryo, security personnel, kapulisan at kasapi ng media.
Wala na rin aniya ang tradisyonal na prusisyon o ang tinatawag na Traslacion ngunit may isasagawang “Walk of Faith” sa alas dos ng madaling araw January 8 na bisperas ng kapistahan at diyan umano ay may misa sa hatinggabi at maililibut ang mga maliliit na imahe ng Poong Nazareno mula Quirino Grannstand hanggang sa simbahan ng Quiapo.
Nahikayat din ang mga deboto na magdala ng kanilang dasalan at kapote na transparent kung sakaling hindi magiging maganda ang panahon.
Sa ngayon ay all set na ang simbahan ng Quaipo para sa nasabing kapistahan at nailabas na rin nila ang lahat ng mga alituntunin, schedule at church announcements na magsisilbing gabay sa mga debotong dadalo.
Hiling lamang ng simbahan nga sumunod sa mga alituntunin at pagpapanatili sa pagsunod sa health protocols.