Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga aksong qualified theft, perjury at pamemeke laban sa Yanson Four o magkakapatid na Yanson na may hidwaan sa kanilang ina na si Olivia at isa pang kapatid.
May kaugnayan ito sa pamamahala ng Vallacar Transit Inc., (VTI), pinaka malaking bus firm sa buong bansa.
Sa pitong pahina na resolusyon noong Nobyembre 10, sinabi ni Assistant State Prosecutor Philip dela Cruz na “premature” ang mga hinaing ni Olivia dahil hindi pa nagdedesisyon ang Bacolod Regional Trial Court Branch 42 hinggil sa extra-judicial settlement sa ari-arian ng yumaong asawa nito na si Ricardo Yanson Sr., kung saan kasama na rito ang pagmamay-ari ng VTI.
Naghain ng kaso si Olivia laban sa kaniyang apat na anak na sina Roy, Emily, Ricardo Jr at Ma. Lourdes, sa paniniwala na ginamit ng mga ito ang kaniyang conjugal shares sa VTI at hinati hati ito para sa kanilang pansariling kagustuhan nang hindi man lamang pinapaalam sa kanilang ina.
Ayon pa kay Olivia na ang VTI’s General Infromation Sheet na inihain sa Securities and Exchange Commission (SEC) ni dating VTI Corporate Secretary Emily Ynason noong Hulyo 9, 2019 ay pineke.
Giit naman ng apat na Yanson na wala nang pagmamay-ari ang kanilang mga magulang sa 15,000 at 346,000 shares sa VTI. Sinabi rin ng mga ito na valid ang ginawang VTI Special Board Meeting noong Hulyo 7, 2019 kung saan pinatalsik sa pwesto si dating VTI President Leo Rey.
Subalit batay sa 2015 extrajudicial settlement at amended extrajudicial settlement ng mga ari-arian ni Ricardo Yanson ay napag-alaman na ang magkakapatid na Yanson, kasama ang kanilang ina, ay pumayag na pare-pareho silang makakatanggap ng equal shares sa VTI.
Nakasaad din dito na isinantabi ni Olivia ang kaniyang karapatan sa nasabing shares para sa kaniyang mga anak, kapalot ang personal property.