ILOILO CITY – Tiniyak ng Bureau of Animal Industry na mas pinahigpit pa ang kanilang ginagawang pag-quarantine para makontrol at maiwasang pumasok ang African Swine Fever (ASF) sa Western Visayas.
Ito ay matapos na kinumpirma ng Department of Agriculture na tinamaan nga ng African Swine Fever ang mga baboy na namatay sa Rizal province.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. John Roel Hilario, Regional Veterinary Quarantine Office VI ng Bureau of Animal Industry, sinabi nito na may mga preventive at mga quarantine measures ng isinasagawa para maiwasan ang pagpasok ng nasabing virus.
Ayon kay Hilario, patuloy rin ang isinasagawang surveillance sa mga karneng baboy na pumapasok sa Western Visayas na posibleng may dala ng virus
Ani Hilario, nakikipagtulungan na ang Bureau of Animal Industry at Department of Agriculture sa iba pang mga ahensya ng gobyerno katulad ng Philippine National Police, Local Government Unit, Department of Transportation, Philippine Coast guard at iba pa na makakatulong sa kanila sa pag-monitor sa mga karneng pumapasok sa bansa.
Nagpaalala si Hilario sa mga hog owners na dapat na mag-ingat at siguraduhing sinusunod ang mga patakaran ng Department of Agriculture at siguraduhing nasa magandang kondisyon ang kanilang mga baboy para maiwasang maapektuhan ng African Swine Fever.
Kabilang sa mga sintomas ng African swine fever ay ang pagkawala ng gana sa pagkain, panghihina ng katawan, lagnat, ubo, diarrhea at pag-iba ng skin color ng alagang baboy.