Tatapusin ng detained TV host at comedian na si Ferdinand “Vhong” Navarro ang kanyang quarantine sa Taguig City Jail Male Dormitory sa Lunes.
Ito ay ayon kay Jail Senior Inspector Hernand Macoy ng Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region (BJMP-NCR).
Naglabas ng commitment order ang Taguig Regional Trial Court Branch 69 na ilipat si Navarro mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center sa Maynila patungo sa Taguig City Jail.
Hinahawakan ng korte ang kasong panggagahasa na isinampa laban kay Navarro ng modelong si Deniece Cornejo.
Naglabas ito ng non-bailable warrant of arrest laban sa TV host noong Setyembre 19.
Inilipat si Navarro sa Taguig City Jail Male Dormitory noong November 21 at kinikilala bilang isang person deprived of liberty (PDL).
Sumailalim siya sa medical check pagdating sa jail facility.
Sa ilalim ng mga panuntunan ng BJMP, si Navarro, na ganap nang nabakunahan laban sa Covid-19, ay kailangang sumailalim sa pitong araw na quarantine bilang pagsunod sa mga protocol sa kalusugan.
Ang Taguig City Jail ang magpapasiya kung may banta sa seguridad laban kay Navarro at magpapasiya kung siya ay makukulong kasama ng iba pang mga person deprived of liberty (PDL).