-- Advertisements --

Iminungkahi ng isang health expert na dapat muling ipataw ng Pilipinas ang 14 na araw na quarantine period para sa mga biyahero mula sa Hong Kong kahit na negatibo ang pagsusuri para sa COVID-19.

Ito ay sa gitna ng banta ng variant ng Omicron.

Ginawa ni Philippine Foundation for Vaccination director Dr. Lulu Bravo ang pahayag matapos matanong kung kailangan ng bansa na magpataw ng travel restrictions.

Aniya, kung dati ay 10 araw lang ang quarantine, maaaring e-extend pa ito ng hanggang 14 na araw.

At mas maigi na medyo tagalan pa ang pagte-test ng RT-PCR.

Nananatili ang Hong Kong sa yellow list ng bansa sa gitna ng mga panawagan mula sa Department of Health at iba pang mga eksperto na magpataw ng mga paghihigpit sa paglalakbay sa teritoryo ng China.

Sa ilalim ng yellow list, ang mga manlalakbay ay kinakailangang sumailalim sa quarantine na nakabatay sa pasilidad, ngunit maaari silang payagang palabasin sa pasilidad kapag negatibo ang kanilang pagsusuri para sa COVID-19.

Sinabi ni Bravo na dapat pa ring sumailalim sa quarantine ang mga biyahero na nagbibigay din ng negatibong RT-PCR sa loob ng tatlong araw pagdating sa bansa.