Hindi na raw ire-require ang mga quarantine passes sa sandaling ilagay na ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sinabi ni Metro Manila Council Chairman Paranaque Mayor Edwin Olivares, kapag nag-shift na mula Enhanced Community Quarantine (ECQ) patunong MECQ, hindi na nila ipatutupad ang quarantine pass sa National Capital Region (NCR).
Sa isyu naman ng curfew hours, pinag-uusapan pa raw nila kung kailangan na nilang paiksiin pero sa ngayon ay magsisimula pa rin ang curfew dakong alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw na kasalukuyang curfew hours dito sa NCR.
Sa usapin naman sa liquor ban, nasa discretion na raw ito ng bawat local government unit (LGU) kung papayagan nila o hindi ang pagbebenta ng alak sa kanilang mga constituents.
Una rito, pinayagan na ng Inter Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na ilagay sa MECQ ang Metro Manila at Laguna mula Agosto 21 hanggang katapusan ng buwan.
Kung maalala inilagay sa ECQ ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20 matapos makapasok na sa bansa ang mas nakakahawang variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na Delta.