Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng 2019 Novel-CoronaVirus (n-CoV) sa buong mundo, hindi pa rin ikinokonsidera ng World Health Organization (WHO) ang pagpapatupad ng mandatory quarantine sa mga dayuhan na galing sa mga bansang may kaso na ng sakit.
“Right now the justification is very weak for us to ask to (undergo) quarantine anybody coming from all those places. That could mean that we have to quarantine people coming from 36 countries,” ani WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.
“What we are trying to do (is) risk assessment that focuses on minimizing the disruption to the community.”
Batay sa datos na hawak ng WHO nasa 4,515 na ang bilang ng indibidwal sa buong mundo ang kumpirmadong positibo sa n-CoV.
Ang 37 dito, mula sa iba’t-ibang bansa sa labas ng China. Pinaka-huling kasong naitala mula sa Germany. Nasa 106 naman na ang namatay.
Dito sa Pilipinas, nilinaw ng Department of Health (DOH) na nananatiling n-CoV free ang bansa. Pero nadadagdagan pa ang bilang ng mga inoobserbahan.
Ayon sa DOH, 27 indibidwal na ang isinailalim sa kategoryang persons under investigation dahil sa kanilang travel record mula Wuhan City, China. Pawang Chinese nationals ang mga ito.
Mula sa nasabing bilang, 18 ang naka-pending pa ang kanilang screening test sa RITM, at anim ang may hinihintay pang confirmatory results sa Australia.
Tatlo naman ang una ng na-discharge pero patuloy pa ring mino-monitor.
“All the PUIs are admitted and in isolation, (but) not in one place but if they’re positive then they will stay in that facility until they recover and were able to clear for discharge,” ani Health Usec. Eric Domingo.
Paliwanag ng DOH, maraming strain ang corona virus at halos magkaka-pareho lang ang sintomas ng mga ito.
Kaya mahigpit ang paalala ng ahensya sa publiko kaugnay ng proper hygiene at pagsusuot ng face masks.
Patuloy namang inaalam ng Department of Foreign Affairs ang bilang ng mga Pinoy na naiwan pa sa China, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa gobyerno nito para sa mga hakbang kontra sa pagkalat ng sakit.