Inanunsiyo ngayon ng Malacañang ang mas pagluluwag pa sa mga fully vaccinated na mga Filipinos at foreign nationals na dumarating sa bansa at nagmula sa tinaguriang green countries.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque ang mga biyahero mula sa “countries o territories” na nabibilang sa mga low risk sa COVID-19 ay hindi na sasailalim sa quarantine pagdating Pilipinas simula sa Oct. 14.
Gayunman kinakailangan daw ang pagpresenta ng negative RT-PCR test na kinuha sa loob ng 72 oras bago ang pagdating sa Pilipinas.
Nilinaw naman ni Roque na doon sa mga fully vaccinated Filipinos pwede naman sila kumuha ng RT-PCR test sa quarantine facility sa pagdating nila sa bansa hanggang sa lumabas ang negatibong resulta.
Sa kabila ng pagluluwag hinihikayat ng gobyerno ang mga fully vaccinated travelers mula sa abroad na mag-self monitor pa rin sa mga symptoms hanggang sa 14th day.
Sa ilalim kasi ng polisiya ng IAF ang mga fully vaccinated mula sa mga low-risk countries o territories ay inaabisuhan na kumpletuhin ang 10 araw na quarantine matapos ang pagdating sa bansa.