-- Advertisements --

Nakapagtala ng pagbaba sa bilang ng mga quarantine violators ang Cebu City Police Office sa nakalipas na buwan.

Mula sa higit isang libong mga lumabag na naitala noong huling bahagi ng Hulyo, bumaba ito sa tatlong kaso lamang noong huling linggo ng Oktubre.

Ayon pa kay Police Major Keith Allen Andaya, kinatawan ng CCPO sa Cebu City Emergency Operations Center, umabot sa 1,114 ang kabuuang bilang ng mga violators mula Hulyo 29 hanggang Agosto 4.

Dahan-dahan namang bumaba ito sa mga kasunod na linggo.

Gayunpaman, bumuti ito sa buwan ng Oktubre kung saan patuloy na mas mababa sa lima ang bilang ng mga lumalabag sa quarantine.

Inihayag pa ni Andaya na ang pagbagsak ng mga kaso ay dahil sa mahigpit na pagpapatupad at pagsunod sa mga health protocol sa buong lungsod, pati na rin ang pagpapatupad ng parusa sa mga lalabag sa quarantine.

Samantala, 159 na lang ang natitirang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod mula sa 10, 308 na kabuuang naitala kung saan 680 ang binawian ng buhay at 9,469 naman ang mga gumaling.