Ikinagulat ng maraming Democrats ang paglabas ng tinaguriang Queen of All Media na si Oprah Winfrey sa ikatlong araw ng Democratic National Convention upang ikampanya ang tandem nina US VP Kamala Harris at Gov. Tim Walz.
Si Winfrey ay surprise guest ngayong araw sa nagpapatuloy na DNC. Sumentro ang kanyang talumpati sa pagkakaiba nina dating US Pres. Donald Trump at Harris kapwa sa personal at propesyunal na buhay.
Ayon kay Winfrey, ang respeto, pagiging disente, at common sense ay nakataya sa balota sa 2024.
Giit ng tinaguriang America’s most influential woman na ang sapat na common sense ay magdidiktang sina Harris at Walz lamang ang makakapagbigay ng decency at respeto sa nalalapit na presidential elections.
Ginugol din ni Winfrey ang ilang minuto upang pasaringan si Trump ukol sa umano’y tuloy-tuloy na pagrereklamo at hinaing ng dating pangulo.
Ayon kay Winfrey, hindi na dapat hayaan pa ng mga mamamayan ng US na sila ay maipagtulakan, mabully, o sipain pabalik sa dati. Ang naturang pahayag ay mistulang pasaring sa administrasyon ni dating pangulong Trump, na umani rin ng mahaba-habang hiyawan mula sa mga suporter.
Si Winfrey ay dating kilala bilang independent o walang kinauugnayang political party sa US. Gayonpaman, dati na rin siyang nagbigay ng endorsement sa maraming mga Democratic candidate na kinabibilangan nina Barack Obama, Joe Biden, at Hilary Clinton.
Sa kabila ng mga endorsement, tumangi siyang sumama sa mga political rally o campaign trail ng mga sinusuportahang kandidato.