Bantay-sarado ngayon ang lokal na pamahalaan ng Quezon City matapos magpositibo ang isa nilang residente sa bagong variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una rito, natukoy ang UK variant ng COVID-19 mula sa isang 29-anyos na lalaking Pilipino na nanggaling sa United Arab Emirates na dumating sa Pilipinas noong Enero 7.
Ang pasyente ay residente ng Quezon City na umalis ng bansa patungong Dubai noong Disyembre 27 dahil sa negosyo.
Kasama ng lalaki ang kanyang nobya sa biyahe pero nagnegatibo sa SARS-CoV-2 at kasalukuyan na ring nakasalang sa mahigpit na quarantine at monitoring.
Sa isang pahayag, sinabi ng QC LGU na kagyat na nagsagawa ng contact tracing ang City Epidemiology and Surveillance Unit para sa mga nakasalamuha ng pasyente.
Hinihintay din ng CESU ang listahan ng mga pasahero sa Department of Health upang malaman kung may iba pang mga pasaherong residente rin ng Quezon City.
Agad ding dinala ang mga kasamahan ng pasyente sa isolation facility at sinusuri na ngayon.
Kaugnay nito, maghihigpit sa pagpapatupad ng health protocol ang Quezon City Police District kasunod ng naturang development.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Danilo Macerin, inatasan na nito ang lahat ng mga station commanders na mahigpit na ipatupad ang lahat ng regulasyon at ordinasa sa lungsod upang mapigil ang pagkalat ng UK variant.