Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga hotels sa siyudad na ginagamit bilang quarantine facilities para sa Returning Filipino Workers (RFWs) or Overseas Filipino Workers (OFWs) na galing sa mga bansang iniulat na may mga kaso ng UK variant ng COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni Belmonte na inatasan na rin nito ang Quezon City Police District na pag-aralan ang posibilidad ng pagtatalaga ng mga pulis sa labas ng naturang mga hotel para masigurong sumusunod ang mga naka-isolate doon sa 14-day quarantine period.
“Now that the DOH confirmed the presence of the new strain in several places of the country, the more we need to double our efforts in preventing the spread of the virus. If need be, we can tap our police officers to man these hotels so we can prevent returning Filipinos from leaving without finishing the government-mandated quarantine period,” saad ni Belmonte.
Paiigtingin din daw ng Quezon City government ang pag-iinspeksyon nila sa mga hotel at iba pang mga establisyimento para i-monitor ang kanilang pagtalima sa mga health and safety protocols.
Batay sa umiiral na guidelines, tanging mga four- at five-star hotels na accredited ng Department of Tourism (DOT) lamang ang maaaring tumanggap ng mga bisitang “mag-staycation.”
Habang ang iba pang mga hotels at iba pang kaparehong establisyimento ay pupuwede lamang tumanggap ng long-term bookings at health care workers para sa akomodasyon malapit sa kanilang trabaho.
Sa isinagawang monitoring noong Enero 18, sinabi ni Tetta Tirona, action officer ng City Tourism Department (CTD), na tatlo sa limang establisyimento na kanilang binisita ang nagpapatupad ng mahigpit na quarantine protocols.
Samantala, inoobliga naman ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang nasabing mga hotel na magsumite ng listahan ng mga RFWs at OFW na nananatili sa kanila para sa strict daily monitoring.
Muli ring inihayag ni CESU head Dr. Rolando Cruz na lahat ng mga RFWs at OFWs na naka-isolate sa mga hotel ay kinakailangang tapusin ang 14-day quarantine bago sila payagang makauwi.
Sa panig naman ni Belmonte, patuloy silang magsasagawa ng biglaang pagbisita sa mga hotel para tingnan kung ang mga protocols ay mahigpit na nasusunod.