Isinusulong ngayon ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang programang pagbibisikleta.
Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte ang mga programa at mga plano ng Quezon City government sa pagsusulong sa pagbibisikleta bilang isa sa mga pangunahing uri ng transportasyon sa isinagawang Cycling and Active Transport Expo ng Makati Business Club, Inc kahapon.
Bilang isa sa mga panelist, ipinakita ni Mayor Joy ang mga proyekto ng lungsod para sa mga siklista tulad ng 93 kilometrong protected bike lane network, pakikipag-ugnayan sa mga pribadong sektor para sa bike parking areas, paglalagay ng end-of-trip facilities gaya ng shower at changing rooms, at pagsisiguro ng kaligtasan ng mga bikers sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga bike patrollers sa iba-ibang lansangan sa QC.
Ipinahayag din ng alkalde ang planong pagpapalawig pa ng Bike lane network upang mas marami pang mahikayat na magbisikleta papunta sa kani-kanilang destinasyon.
Nais din ni Mayor Joy na maisama sa curriculum ng mga mag-aaral ang bike etiquette para sa murang edad pa lang ay magkaroon na ng malawak na pang-unawa sa kahalagahan ng pagbibisikleta, hindi lang para sa kalusugan kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalikasan.
Naging panelist rin sa expo sina Dasha Uy ng Department of Health, at Mirjam Borsboom ng Ministry of Infrastructure and Water in the Netherlands na nagbahagi rin ng kani-kanilang cycling programs and policies.