-- Advertisements --

Inatasan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang city health department, law and safety enforcement teams, at mga barangay upang paigtingin pa ang mga hakbang upang masigurong nasusunod sa lahat ng oras ang mga health protocols laban sa COVID-19.

Pahayag ito ni Belmonte matapos maitala ang pagtaas ng mga positibong kaso sa siyudad sa nakalipas na dalawang linggo.

Sinabi ni Belmonte na naobserbahan nila na mistulang nagiging kampante umano ang publiko kaya hindi na nagagawa ang mga ipinatutupad na COVID precautions.

“We have observed that the public is becoming lax in taking COVID precautions. But we’d like to remind them that the virus is still very much in our midst, and this could possibly include a number of its variants. This is no time to relax,” wika ni Belmonte.

Batay sa pinakahuling datos, nakapagtala ang lungsod ng pitong porsyentong pagtaas ng mga aktibong kaso, kung saan 1,007 kaso ang naitala ngayong araw kumpara sa 945 kaso noong Pebrero 12.

Iginiit ng alkalde na ang pagsunod sa minimum health protocols gaya ng social distancing, pagsusuot ng face mask, at paghuhugas ng kamay ay mahalaga pa rin upang hindi na kumalat pa ang virus.

“The local government will distribute face masks once again to all barangays especially for our indigent residents,” dagdag ng alkalde.

Samantala, ayon naman kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), ang istratehiya ng siyudad ay nakadepende sa maagang pagka-detect ng suspects at clustered cases sa mga komunidad, maging ang mabilis na pagpapatupad ng localized lockdowns.