Nakatakdang magsagawa ng special graduation rites ang Quezon City Government para sa mga estudyanteng miyembro ng LGBTQIA+ community na hindi pinayagang mag-martsa dahil sa dress code restrictions ng kanilang mga paaralan.
Tinawag itong “Graduation Rights: March with Pride in QC” na gaganapin sa June 22, 2024 bilang parte ng ika-85 anibersaryo ng lungsod.
Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na mag-martsa base sa kanilang gender expression.
Bukas ang naturang aktibidad sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community na 18 taong gulang pataas at residente ng Quezon City gayundin ang mga nag-aral ng senior high school o college sa lungsod ng Quezon lalong lalo na kung hindi nakapag-martsa noong graduation ceremony nila base sa kanilang gender expression.
Ayon sa QC government, ang graduation rites ay karapatan ng lahat anuman ang gender expression nito.