-- Advertisements --

Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na maayos pa rin ang kanyang kalagayan matapos kumpirmahin na dinapuan na rin ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag, sinabi ni Belmonte na wala raw siyang nararamdamang anumang sintomas ng nakahahawang sakit.

Sa ngayon, isinailalim na raw sa disinfection ang kanyang tanggapan kasama na ang mga common areas sa Quezon City Hall.

Sinimulan na rin aniya ng QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) ang contact tracing procedures.

Sinabi pa ng alkalde, inasahan na raw niya na kakapitan ito ng virus dahil sa pagdalawa sa mga health center, ospital maging mga komunidad at area na isinailalim sa special concern lockdown.

Umaasa naman si Belmonte na ang ang kanyang kondisyon ay magsisilbing babala sa iba tungkol sa impeksyon.

“Makasisiguro po kayo na patuloy ang serbisyo at gawain ng inyong lokal na pamahalaan sa kabila ng aking pag-quarantine. Bagama’t limitado ang aking pagkilos, mananatili po akong nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City,” anang kalihim.

Nanindigan din si Belmonte na mahigpit ang kanyang pagtalima sa health protocols, ngunit dinapuan pa rin ito ng virus.

Ang Quezon City na siyang pinakamalaking lungsod sa Metro Manila ang may pinakamaraming naitalang kaso ng coronavirus sa National Capital Region kung saan batay sa pinakahuling tala, umabot na ito sa 3,793.

Umakyat na rin sa 247 ang death toll sa siyudad makaraang makapagtala ng walong karagdagang namatay dahil sa sakit.