Naglaan pa ng dagdag na bus units ang Quezon City government ngayong araw para sa mga maaapektuhan ng tigil pasada ng PISTON at Manibela.
Kaugnay ito ng kautusan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Local Traffic and Transport Management Department para tiyakin na walang stranded na mga pasahero sa dalawang araw na transport strike.
Bukod sa regular na Unit para sa QC bus service ay mayroon pang mga sasakyan na nakahanda mula sa Quezon City Police District, Metropolitan Manila Development Authority, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at maging sa Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang mga ito ay magsasakay nang libre sa QC para sa mga pasahero na maaaring mahirapang makasakay para sa mga rutang apektado ng tigil pasada.
Inatasan din ni Belmonte ang 12-mga barangay na magtalaga ng kanilang sasakyan para sa libreng sakay.
Nagtalaga rin ng mga traffic enforcers mula TTMD na isa sa layunin ay mag-monitor at magbigay ng sitwasyong sa kalsada dulot ng transport strike.
Umapela naman ang local government na itawag sa QC Helpline 122 sakaling may makita sa kalsada o makaranas ng kawalang sasakyan sa syudad para makapagpadala ng unit na magsasakay ng pasahero.
Una rito, minaliit ng pamahalaan ang bantang tigil pasada ng PISTON at Manibela, dahil mas marami pa rin umano ang mamamasada mula sa iba’t-ibang grupo.