Patuloy ang pagtaas ng kaso ng Dengue sa lungsod ng Quezon.
Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, umakyat na ito sa kabuuang 2,127 na kaso .
Ang naturang bilang ay naitala mula Enero hanggang Pebrero 19 ng kasalukuyang taon.
Umabot na rin sa labing isang dengue patient ang nasawi mula sa sampung barangay kung saan ang Brgy. Capri. ang may pinakamaraming kaso ng Dengue sa lungsod.
Kaugnay nito ay muling nanawagan ang QC LGU sa mga residente na gawin na kaagad ang Search and Destroy at Clean-up Drive sa kanilang komunidad.
Layon ng hakbang na ito na mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Dengue at maiwasang dumami pa ang mapipinsala.
Pinaalalahanan rin ng lokal na pamahalaan ang mga residente na magpakonsulta agad sa doktor sakaling makaranas ng mga sintomas ng virus.