-- Advertisements --
image 62

Patuloy ngayon ang panawagan ng Quezon City government sa lahat ng mga residente sa naturang lugar na laging linisinang kanilang kapaligiran dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng dengue at leptospirosis sa lungsod ngayong taon.

Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), mula Enero hanggang Setyembre 8 daw ay nakapagtala ang lungsod ng 2,328 dengue cases mula sa kanilang anim na distrito.

Mas mataas ito ng 211.23 percent kumpara sa parehong period noong nakaraang taon na mayroong 748 dengue cases.

Kaya naman nasa 1,580 raw ang itinaas na kaso kumpara noong 2021.

Dahil dito, patuloy naman daw na binabantayan ng lokal na pamahalaan ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.

Sa data ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit, ang District 4 ang nakapagtala nang pinakamaraming kaso ng dengue na 413 cases habang ang District 3 ay ang may pinakamababa na mayroon lamang 314 dengue cases.

Sa ngayon, 15 na ang naitalang namatay dahil sa dengue mula Enero 1 hanggang Setyembre 8.

Samantala, tumaas din ang kaso ng leptospirosis sa 78 na kaso mula Enero 1 hanggang Setyembre 1 ngayong taon.

Nakapagtala naman daw ang District 2 ng pinakamataas na kaso na may 24 na bilang, samantalang ang District 3 naman ay nakapagtala ng pinakamababa na may apat na kaso.

Mula Enero naman hanggang sa ngayon ay may 11 nang namatay dahil sa naturang sakit.

Nagpaalala naman ng city government sa mga residenteng magsuot ng bota kapag susuong sa tubig baha.

Ang leptospirosis ay isang infection dahil sa leptospira spirochetes bacteria na kumakalat mula sa ihi at dumi ng mga hayop lalo na ang daga.