Ipinagbawal na ng Pamunuan ng Quezon City simula Abril 21, 2025, ang paggamit ng mga disposable at single-use plastic (SUP) tulad ng plastic bags, styrofoam, PET bottles, at plastik/paper cups sa loob ng Quezon City Hall at iba pang gusaling pag-aari ng lungsod.
Sa ilalim ng Executive Order No. 3, Series of 2025 na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte, layunin ng lungsod na bawasan ang basura at isulong ang paggamit ng mga reusable at recyclable na kagamitan. Kasunod din ito ng kanilang Green Public Procurement Ordinance.
Dahil dito kailangan nang magdala ng sariling eco-bag at lalagyan ng pagkain ang mga empleyado. Bawal na rin ang disposable cutlery sa loob ng opisina, habang ang mga bisita ay maaari pa ring gumamit ng take-out containers ngunit hindi ito maaaring ipasok sa mga gusali.
Papayagan pa rin ang food deliveries basta’t eco-friendly ang packaging at isusuko ang mga lalagyan sa Trash to Cashback booth. Ang mga vendor at empleyadong lalabag ay papatawan ng kaukulang parusa.
Ayon kay Mayor Belmonte, ang polusyon sa plastik ay isang lumalalang krisis. Kaya’t nangunguna ang lungsod sa pagsasagawa ng mga polisiya para sa kalikasan at pangmatagalang solusyon.