Pinangalanan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang nasa 10 lokasyon sa siyudad na gagamitin bilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination sites.
Ito ay kahit isinasapinal pa ang timeline sa pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na napili ang naturang mga lugar dahil madali itong mapupuntahan ng mga residente ng lungsod.
Ang napiling mga vaccination sites ay ang mga sumusunod:
Project 6 Tennis Court sa District 1
Batasan Hills National High School at NGC Covered Court sa District 2
Aguinaldo Elementary School sa District 3
Dona Josefa Jara Martinez High School at Diosdado Macapagal Elementary School sa District 4
Kaligayahan Activity Center at Fairview Covered Court sa District 5
Emilio Jacinto Elementary School at Culiat High School sa District 6
Dagdag ni Belmonte, target ng city government na magtatag ng 24 na sites, bilang dagdag sa tatlong ospital na pinatapakbo ng siyudad – ang QC General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital, at ang Novaliches District Hospital.
“Nagsimula na tayong magtalaga ng vaccination sites para handa na tayo oras na dumating ang bakuna. We have to plan ahead to assure our people that we are doing everything to make these vaccines available as soon as possible,” saad ni Belmonte.
Ayon naman kay Dr. Esperanza Arias, pinuno ng Quezon City Health Department, may napili na silang mga dagdag na vaccination sites, ngunit ine-evaluate pa ito sa kasalukuyan upang makasunod sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Inihayag pa ni Arias na kailangan din nila ang standby generator set, ambulansya, at presensya ng mga tauhan mula sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
“For every site, the QC government will designate 22 employees composed of physicians, marshals, vaccinators, counselors, and admin staff,” ani Arias.
Una nang pumasok ang city government sa isang tripartite agreement sa AstraZeneca Pharmaceuticals at national government para sa delivery ng mahigit 1-milyong doses ng COVID-19 vaccines.
Inaasahang ide-deliver ang naturang mga bakuna sa ikatlong quarter ng 2021.