-- Advertisements --

Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na nakalatag na ang kanilang mga paghahanda para sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ulysses sa kanilang probinsya.

Ayon kay Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Dr. Melchor Avenilla Jr., nagsagawa ng pulong ang provincial government ngayong araw sa mga kinauukulang ahensya bilang preparasyon sa pagtama ng bagyo.

Naka-preposition na aniya ang mga relief goods sakaling magsagawa sila ng preemptive evacuation sa mga low-lying areas o mga mabababang lugar.

Hinimok din nito ang kanilang mga residente na ihanda ang kanilang mga emergency go-bags.

Bagama’t inamin nito na magiging malaking hamon ang physical distancing sa gitna ng COVID-19 pandemic, inihayag ni Avenilla na titiyakin ng mga otoridad na susunod ang mga residente sa minimum health standards.

Sa pinakahuling datos, nasa 24,000 residente sa lalawigan ng Quezon ang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly nitong nakalipas na linggo.