Nagsagawa ng rescue operation ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office dahil sa matinding pagbaha bunsod ng pananalasa ng Bagyong Aghon sa Lucena City sa Quezon.
Ang naturang rescue operation ay inilunsad kahapon, katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Office- Lucena City at Philippine Air Force (PAF).
Bukod dito, nakaabang din ang iba pang pamahalaang panlalawigan at maging ang mga organisasyon upang tumugon at tumulong sa kanilang mga apektadong residente.
Samantala, pansamantala namang ginawang evacuation center ang Quezon Convention Center para sa mga pamilyang lumikas mula sa Brgy. Cotta at Brgy 10 ng Lucena City.
Habang naghahanda rin ang Provincial Social Welfare and Development Office Quezon para naman sa pagde-deploy ng mga relief supplies para sa mga pamilya at indibidwal na nasa evacuation center.
Sa ngayon ay aktibo pa ring nakatutok si Governor Doktora Helen Tan at ang naturang Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kalagayan ng nasabing lalawigan at upang agarang makaresponde sa oras ng kanilang mga pangangailangan.